Boy Abunda: “There is honor in controversies.”
Posted By www.BoyAbunda.net on October 27, 2008
Halo-halong emosyon ang naramdaman ng tinaguriang King of Talk na si Boy Abunda nang bigyan siya ng bonggang-bonggang birthday celebration ng The Buzz last Sunday, October 26. Pero ang actual birthday niya ay bukas pa, October 29.
Saksi ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kasiyahan ni Boy dahil sa birthday niya nataon ang big comeback ng dating host ng The Buzz na si Kris Aquino. Si Kris ang pumuno sa isang hosting slot na nabakante dahil sa pagkakasuspinde ni Cristy Fermin.
Nagmistulang costume party ang set ng The Buzz dahil sa kakaibang kasuotan ng mga hosts, pati na rin ng ilang guests na bumati kay Boy. Si Boy mismo ay naka-costume bilang si Zorro. Si Ruffa Gutierrez ay nagmistulang Arabian princess sa kanyang damit, kasama ang dalawa niyang anak na sina Lorin at Venice na parehong naka-princess costume. Si Kris naman ay naka-Snow White costume habang ang mga anak niya na sina Josh at Baby James ay nakasuot naman ng Barney at baby dinosaur costumes, respectively.
Maging ang mga segment hosts na sina Jobert Sucaldito ay naka-angel costume habang si Phoemela Barranda ay mala-gold princess sa kanyang damit. Ilan pa sa mga naka-costume ay ang mga guests na sina Mariel Rodriguez na mukhang devil woman sa suot, habang si Bianca Gonzales naman ay naka-costume ng babaeng Santa. Sina Mariel at Bianca ay parehong talents ni Boy. Kasama rin sina Erik Santos at Pooh na pumunta sa studio para bumati sa birthday celebrator.
Naging madamdamin naman ang eksena nang magbigay ng mensahe at umawit sa VTR ang ina ni Boy na si Nanay Lesing. Ikinaluha ito ni Boy, maging ng iba pang mga hosts at ng mga tao sa loob ng studio. Naantig din ang lahat sa sulat ni Kris para sa kaibigang si Boy.
CRISTY FERMIN. Pagkatapos ng The Buzz ay nagkaroon pa ng salu-salo at kainan sa compound ng ABS-CBN ang mga staff ng show, kasama ang mga bumisitang entertainment press. At dito ay nagkaroon ng pagkakataon ang PEP na ma-interview si Boy.
Unang tinanong ng PEP kay Boy kung happy ba siya sa pagbabalik ni Kris sa The Buzz.
“Oo, happy ako,” sagot niya. “Pero hindi nangangahulugan na nakalimutan ko yung kalungkutan ko noong nawala si Cristinelli [tawag ni Boy kay Cristy Fermin]. Kung iyan ang tinutumbok ninyo. Ang ayoko lang yung papamiliin ako dahil pareho kong mahal ito. At kaya kong mahalin ang pareho because they’re both close to my heart.
“Nalulungkot ako noong bago mag-umpisa ang show, nag-text sa akin si Cristinelli. ‘Sa dami ng pinagdaanan natin…sa dami ng bagyong pinagdaanan natin.’ Kasi yung buhay namin ni Cristinelli, hindi lang sa showbiz. Bago pa kami umapak sa negosyong ito, magkaibigan na kami. Magkakilala na kami, magkadugtong na ang mga talampakan namin. Ang sabi niya, ang mensahe niya, ‘Alam mo naman ang ating buhay, we go beyond what other people think.’ Sabi niya, ‘I love you.’ Tinext back ko siya, sabi ko sa kanya, ‘Cristinelli, alam mong mahal na mahal kita.’”
Nami-miss ba niya si Cristy?
“Oo naman. You know, you are with person every Sunday. It’s hard, it’s difficult. At hindi lang ‘yan, kaibigan yun. Alam mo kami, si Jobert, si Cristinelli, ako, wala pa kami sa showbiz… I mean, minsan nga lilimang piso lang ang laman…minsan nga wala pang laman ang mga bulsa namin, magkakaibigan na kami.”
KRIS AQUINO. Isang madamdaming sulat naman ang inihandog ni Kris para sa birthday ni Boy. Na-touch ba siya sa ginawang ito ni Kris?
“Oo. Si Kris naman, she’s the other sister that I never had. I was actually very touched kay Kris kasi one part lang ‘yan ng pinagdadaanan namin ni Kris. Kung masasabi lang namin ang lahat. Si Kris, parang kapatid ko na.
“Maraming magagandang bagay, maraming hindi magagandang bagay, pero ako yung sinasabi niya na nagagalit ako sa kanya, pero I don’t judge her. Sinasabi ko ang opinyon ko. Sinasabi ko ang sa palagay ko ay tama o mali. Pero hindi ako nag-iiwan ng panghuhusga. Kahit kanino naman, e. At saka ako, natutuhan ko rin, kung maibabalato ko, ibabalato ko na lang kung anuman ang opinyon ko,” pahayag ni Boy.
Sabi ni Kris, malaki ang kinalaman ng pagpayag ng asawa niyang si James Yap para bumalik sa The Buzz si Kris. Ano ang gusto niyang ipahatid kay James?
“Maraming salamat kay James for Kris. Kasi noong una ayaw siyang payagan kasi nangako sila sa isa’t isa na Sundays will be for the family. Salamat sa tiwala.”
Permanent na ba itong pagbabalik ni Kris?
“Alam mo, yung detalye, hindi pa kami nag-uusap. Hindi pa namin pinag-uusapan ‘yan. Kasi the last time we’re together, we were taping five episodes for Boy & Kris.”
Pagbalik na lang daw ni Boy galing Hong Kong at saka nila uupuan ni Kris ang mga bagay-bagay. Umalis nga kahapon ng umaga, October 27, papuntang Hong Kong si Boy, kasama ang kanyang buong pamilya, na aniya ay first time mangyayari ang family vacation na ito na buo sila, kasama ang kanyang Nanay Lesing, ang pamilya ng kanyang kapatid na si Manang Fe, at siyempre ang kanyang longtime partner na si Bong Quintana.
APOLOGY TO VIEWERS. Samantala, isang apology letter para sa mga viewers ang binasa ni Boy sa The Buzz last Sunday. Kaugnay ito sa naganap na interview kay Cristy Fermin noong October 5 kung saan nakapagbitiw ito ng matatapang na salita na naging dahilan ng suspensyon niya sa kanyang programa sa telebisyon na The Buzz at maging sa radio program niya sa DZMM na Showbiz Mismo.
Bakit kailangang magpalabas ng apology letter ang The Buzz?
“Because we might have hurt the sensibilities of audiences,” paliwanag ni Boy. “As a show, we have to move within parameters [set by] regulating bodies. Hindi naman ito ano’ng iniisip mo, ano’ng iniisip ko. We have to go by rules, by requirements of regulating bodies.
“Yung aking binasa ay essentially we are saying na kung meron man kaming sensibilidad na na-violate, patawad. Mga magulang, mga bata, kahit sino man. Kaya dinugtungan ko nung huli na maraming salamat sa inyong mga papuri, pero sa trabahong ito, mahirap talaga. May mga bagay na may masasabi kaming mali. May mga bagay na magkasalungat ang ating opinyon. May mga bagay siguro na naiirita ang mga nakikinig sa amin. Patawad, ganun lang, simple. At saka doon sa mga natutuwa, maraming salamat.”
Hindi ba bunsod ito ng order galing sa management o sa MTRCB?
“I’m not aware of that. But I don’t discount the possibility. I think the show and ABS-CBN, the network, should be sensitive to regulating bodies, to citizens reacting, to people writing letters, to bosses who teach us good values. So, yung sinasabi mo na, ito ba ay isang reaksiyon sa isang memo na napadala, hindi ko alam. Pero is it possible? It is possible. Because we can be wrong. And if you’re wrong you should apologize. And after the apology you should try to be better,” saad ng TV host.
Tuwing Linggo nahaharap si Boy sa samu’t saring intriga sa The Buzz, pero para sa kanya ano ang pinakamabigat na intriga na kinaharap niya sa buhay niya?
“Sa dami ng intriga na pinagdaanan ko, hindi lang sa The Buzz, sa karera ko sa showbiz, ang dami-dami. Bilangin mo lahat ng umupo sa harapan ko na in-interview ko, ang dami-daming intriga. May pagkakataon minsan na hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko dahil dalawang magkaibigan ang involved.
“Dahil bahagi ka ng kuwento, dahil sobrang alam mo… You know I’m handling some of the most complex, some of the most interesting personalities in the Philippines. From Krissy, to Gretchen [Barretto], to Dawn [Zulueta], to Rufa Mae [Quinto], to Ai-Ai [delas Alas], to… I mean, friends like Cristinelli. Pero alam mo ang natutuhan ko, dapat patas ka.
“There is honor in controversies. There is always a way of handling it without selling out. There’s a way of doing it justly. Pero it’s very hard. Creating that balance is extremely hard. Maraming beses na ako… maraming intriga, maraming kontrobersiya, na akala ko hindi ko malalampasan ng buo.”
BIRTHDAY WISH. Sa dami ng kanyang achievements at success, may gusto pa ba siyang hilingin para sa birthday niya?
“Madami pa naman. Ang advantage ko lang, hindi talaga ako nagbibilang sa wala. I have enough to make my self happy. And I am grateful with whatever I have. And what I have is too much blessing.
“Pero kapag sinabing meron pa ba? Madami pa. Gusto ko pang dugtungan ang buhay ng nanay ko. I want to be able to produce talk shows. Produce meaning hindi na yung maglalabas ng pera. I can produce talk shows. Alam ko ang mga disiplinang kailangan para makapag-produce ng talk shows.
“I’d like to be able to train more hosts. I mean, I cannot do this forever. Hindi dahil sa ayaw ko. Pero lahat kami nagdadaan, to be very blunt about it, lahat kami nalalaos. Lahat kami puwedeng kalimutan.
“I am a teacher. Kaya nga ako nagbalik sa eskuwelahan ngayon kasi gusto kong matuto. Gusto kong may iba akong magawa at may iba akong mapuntahan. Gusto kong magturo. Gusto kong mag-share.
“Some people may say why did you go back to school. I didn’t go back to school because I want a doctoral degree, I want a masteral degree. Hindi. I went to school because I want to broaden my perspective, gusto kong lumawak ang aking pananaw, para tuwing nag-i-interview ako ay mas malawak ang mundo ko. Ayoko namang gumalaw nang gumalaw sa tayo-tayo, sila-sila. There’s a world out there waiting to be discovered.”
Bukod sa The Buzz celebration, isang linggo ring ipinagdiriwang ang birthday ni Boy sa pang-umaga niyang programa na Boy & Kris. Nagsimula na kahapon, October 27, ang selebrasyon with Billy Crawford and KC Concepcion as guests. Maraming pang guests na pawang malalapit sa puso ni Boy ang nakatakdang bumati sa kanya ngayong araw, October 28, hanggang sa Biyernes, October 31.
Boy Abunda: “There is honor in controversies.”
Tuesday, October 28, 2008
Philippine Entertainment Portal
Search terms:
WWW SARAHGERONIMO COM
Comments
Leave a Reply